dzme1530.ph

“SLOT-FOR-SALE” SCHEME SA RECRUITMENT NG BFP, PINUNA NG ISANG SENADOR

Loading

Pinuna ni Senador Erwin Tulfo ang umano’y “slot-for-sale” scheme sa recruitment ng Bureau of Fire Protection o BFP, kung saan umaabot umano sa P800,000 ang ibinabayad ng ilang aplikante.

Sinabi ni Tulfo na may mga ulat ng P100,000 hanggang P800,000 na hinihingi kapalit ng “slot,” tulong sa recruitment, o garantiya ng appointment.

Iginiit ng senador na kung mapapatunayan, isa itong malubhang usapin ng korapsiyon.

Dapat aniya ay batay sa merito, kakayahan at integridad—hindi sa pera o connections—ang pagkuha ng posisyon sa gobyerno.

Kinwestiyon din ni Tulfo ang umano’y 75-percent equivalent rating na ibinibigay ng BFP sa mga registered criminologist na gumagamit ng exemption sa qualifying examination sa ilalim ng Republic Act No. 11131.

Ayon sa senador, nagbibigay ang batas ng exemption at priority sa appointment, pero walang nakasaad na dapat awtomatikong bigyan ng 75-percent rating ang mga criminologist.

Hiniling ni Tulfo sa BFP na ipaliwanag ang legal na batayan ng naturang rating at tiyaking makatarungan, malinis at batay sa merito ang recruitment process.

About The Author