![]()
WALANG plano si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson makiusap sa mga miyembro ng pinamumunuan niyang Blue Ribbon Committee upang lumagda sa partial committee report sa mga maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Lacson na nirerespeto niya ang mga kapwa senador sa desisyon kung hindi sila pipirma sa report.
Ibinunyag ng senador na may ilang miyembro ng kumite ang pinakiusapan ng mga dating kasama sa mayorya kaya’t atubili ang mga ito na pirmahan ang ulat.
Alam na aniya ni Senate President Vicente Sotto III ang kanyang posisyon at nangako ng tulong ang pinuno ng Senado.
Samantala, pumirma na si Sotto sa partial committee report gayundin si Sen. Erwin Tulfo.
Una nang lumagda sina Lacson, kasama sina Sens. Risa Hontiveros, Bam Aquino at Francis Pangilinan.
Nangangailangan ng siyam na pirma sa ulat upang mailatag ito ni Lacson sa plenaryo.
Kahapon, sinabi ni Lacson na hindi itutuloy ang pagdinig hanggang walang sapat na bilang sa kanyang ulat.
