![]()
Hindi lahat ng ubo ay pare-pareho ang paraan ng gamutan.
Ayon sa mga eksperto, may tatlong pangunahing uri ng gamot para sa ubo: ang mga expectorant, antitussive at mucolytic—at bawat isa ay may tiyak na gamit depende sa uri ng ubo.
Ang mga expectorant ay tumutulong upang mapalabas ang plema.
Karaniwan itong nirereseta sa mga may “wet cough” o ubo na may plema, dahil mas madali nilang mailalabas ang mga sekresyon sa baga.
Samantala, ang mga antitussive ay kilala bilang cough suppressant na direktang pumipigil ang reflex ng pag-ubo.
Ito ay karaniwang inirerekomenda sa mga may tuyong ubo o “dry cough,” lalo na kung nakakaistorbo na ito sa pagtulog o araw-araw na gawain.
Ang mga mucolytic naman ay nagpapalabnaw ng malapot na plema upang mas madali itong mailabas.
Ito ay karaniwang ibinibigay sa mga pasyenteng may makapal at di madaling ilabas na ubo.
Ayon sa mga doktor, mahalagang huwag maghalo-halo ng mga gamot nang walang gabay ng propesyonal sa kalusugan, dahil maaaring magkontra ang epekto ng mga ito.
Halimbawa, ang paggamit ng antitussive kasabay ng expectorant ay maaaring humadlang sa natural na paglabas ng plema.
Pinaalalahanan din ang publiko na ang ubo ay maaaring sintomas ng iba’t ibang sakit tulad ng common cold, bronchitis at asthma kaya’t mahalagang matukoy ang sanhi nito bago uminom ng anumang gamot.
Paalala ng mga eksperto, ugaliing magpakonsulta sa doktor lalo na kung ang ubo ay tumatagal ng higit sa isang linggo, may kasamang lagnat, o may dugo ang plema, upang maiwasan ang mas malubhang komplikasyon sa kalusugan.
