![]()
“Relax lang, huwag masyadong hot.”
Ito ang naging mensahe ni Senador Erwin Tulfo kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kaugnay ng paggiit nitong payagan ang minorya na imbestigahan ang sinasabing anomalya sa flood control projects kapalit ng pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa hosting ng bansa sa 2019 SEA Games.
Tiniyak ni Tulfo na wala silang balak tigilan ang imbestigasyon sa flood control projects, subalit binigyang-diin na may mga kaso nang naihain laban sa ilang personalidad na sangkot sa iregularidad.
Ipinaliwanag ni Tulfo na kailangan pa nilang magtalaga ng vice chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa July 27 bago ipagpatuloy ang pagsisiyasat.
Gayunman, nilinaw ni Tulfo na ang kanilang imbestigasyon ay tututok sa mga bagong ebidensyang may kinalaman sa mga umano’y anomalya.
Inalmahan din ni Tulfo ang manifestations ng ilang senator-judges sa Impeachment Court na may kinalaman sa plano ng NBI na imbestigahan ang hosting ng bansa sa 2019 SEA Games.
Hindi aniya nararapat na sa Impeachment Court ihayag ang mga ganitong manifestation. Dagdag pa niya, dahil sa social media inihayag ni NBI Director Atty. Melvin Matibag ang deklarasyon ng pagsisiyasat, dapat sa social media rin ito sinagot ng grupo ni Cayetano.
