![]()
Isinusulong ni Senador Joel Villanueva ang resolusyon para kilalanin at papurihan si Filipina tennis star Alex Eala matapos masungkit ang kampeonato sa Mubadala DC Open.
Sa Senate Resolution No. 54, binigyang-diin ni Villanueva na ang tagumpay ni Eala ay isa sa pinakamalaking tagumpay sa kasaysayan ng sports sa bansa.
Ito ay makaraang talunin nito sa finals si World No. 3 at top seed Jessica Pegula upang maiuwi ang kampeonato sa WTA 500 tournament.
Nakasaad sa resolusyon na si Eala ang unang Pilipino na nakapasok sa Top 20 WTA singles rankings.
Iginiit ni Villanueva na ang tagumpay ni Eala ay patunay ng husay, disiplina, tiyaga, at world-class na kakayahan ng atletang Pilipino at nagsisilbing inspirasyon sa kabataang nangangarap sa pandaigdigang kompetisyon.
Pinuri rin ni Senador Kiko Pangilinan ang makasaysayang panalo ni Eala at nanawagan ng mas malawak na suporta ng gobyerno sa sports, partikular sa grassroots development.
Sinabi ni Pangilinan na dapat magsilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino ang tagumpay ni Eala at magsilbing paalala sa gobyerno na palakasin ang suporta sa sports sa pamamagitan ng mas maraming programa sa paaralan at komunidad, modernong pasilidad, scholarship, sports vouchers, at tulong para sa mga atleta.
