dzme1530.ph

DOLE CHIEF, NAGBABALA LABAN SA PRANK CALLS; HOTLINE 15/30, GAMITIN NANG RESPONSABLE

Loading

Nagbabala si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis N. Tolentino laban sa mga prank call sa bagong Hotline 15/30.
 
Ayon sa kalihim, maaaring maantala ng mga hindi seryosong tawag ang pagtanggap at pagproseso sa mga lehitimong reklamo at katanungan ng publiko.
 
Nilinaw din ni Tolentino na hindi lamang mga manggagawa ang maaaring tumawag sa hotline. Maaari rin itong gamitin ng mga employer at iba pang stakeholder na may mga concern kaugnay ng paggawa.
 
Tiniyak ng DOLE na may mga nakatalagang personnel na sasagot sa linya 24/7, kabilang ang mga oras ng gabi.
 
Sa pamamagitan ng numerong 1-5-3-0, maaaring idulog ang mga reklamo tungkol sa hindi nabayarang sahod at benepisyo, ilegal na pagtanggal sa trabaho, paglabag sa labor standards at mga usaping pangkaligtasan sa lugar-paggawa.
 
Gayunman, nilinaw ng kalihim na hindi nangangahulugang agad na mareresolba ang bawat reklamo dahil kailangan pa itong i-refer sa kaukulang tanggapan ng DOLE para sa kaukulang aksyon.
 
Samantala, pinag-aaralan din ng DOLE at TESDA ang referral system upang maiugnay sa mga skills training program ang mga manggagawang nangangailangan ng karagdagang pagsasanay.
 
Paalala ng DOLE: Gamitin nang responsable ang Hotline 15/30 upang manatiling bukas ang linya para sa mga tunay na nangangailangan ng tulong.

About The Author