![]()
Naniniwala si Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na halos walang magiging pagbabago sa bill ng kuryente sa kabila ng iniutos ng Energy Regulatory Commission sa Meralco na mag-refund ng ₱2.68 billion sa consumers.
Sinabi ni Tulfo na mismong ERC ang nagsabi na halos walang magiging pagbabago sa electric bill dahil kasabay ng refund ang pag-apruba nila ng mas mataas na distribution rate na puwedeng singilin ng Meralco.
Iginiit ng senador na bagamat kahit papaano ay mababawasan ang pasakit sa mga consumer, pero ang totoo anyang ginhawa ay hindi na pagbabayad ng system loss charge.
Hindi naman anya dapat magbayad ng kuryenteng ninakaw o enerhiyang nawala dahil lang sa hindi maayos ang mga gamit at pasilidad ng power companies.
Bilang chairman ng Senate Committee on Energy, minadali ni Tulfo na mabuo ang polisiya na magtatanggal sa system loss charge, na prayoridad din ng administrasyon.
Isang hakbang na lang anya at maipapasa na sa Senado ang “Systems Loss Charge Removal Act” na inaasahang magpapababa ng singil sa kuryente.
