![]()
Nanindigan ang House Prosecution Team na malinaw na ang maling paggamit ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
Sa ika-23 araw ng impeachment trial, sinabi ni Atty. Lorna Kapunan, counsel for the prosecutors, na sapat na ang 10 testigo na kanilang napaharap upang patunayan ang alegasyon laban sa Bise Presidente.
Ipinaliwanag ni Kapunan na sa orihinal nilang plano ay 27 witness ang kanilang ihaharap sa Article 1 subalit nagpasyang hindi na kailangang iharap pa ang mga nalalabing testigo.
Nilinaw naman ng abogado na nirerereserba nila ang karapatang ipatawag mismo si VP Sara upang pagpaliwanagin sa lahat ng alegasyon laban sa kanya.
Atubili naman ang defense panel sa pagpapatawag kay VP Sara sa pagdinig at iginiit na humaharap na sila sa korte bilang kinatawan ng Pangalawang Pangulo.
Sinabi ni Atty. Shiela Sison na hindi naman maaaring i-compel ang Bise Presidente na humarap sa korte.
Kinumpirma naman ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero na dahil sa desisyon ng prosecution na huwag nang iprisinta ang mga nalalabi pa nilang testigo sa Article 1 ay hindi na muna sila magkakaroon ng pagdinig bukas.
Sa pagbabalik ng trial sa Lunes ay sisimulan na ang pagtalakay sa Article 2 o ang may kinalaman sa unexplained wealth.
