![]()
Isinasaalang-alang ng Aramco ng Saudi Arabia, isa sa pinakamalaking petroleum at energy companies sa buong mundo, ang pagtatayo ng oil export hub sa Bataan, ayon sa Department of Energy (DOE).
Sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na bahagi ito ng Strategic Petroleum Reserve (SPR), subalit hindi kinakailangang pag-aari ito ng gobyerno.
Idinagdag ni Abad na ang layunin ng Aramco ay magtayo ng storage facility kung saan ilalagay ang mga krudo na para sa export at domestic use, at maaari ring bumili rito ang refineries sa bansa.
Ang proposed site sa Bataan ay pag-aari ng Philippine National Oil Co. (PNOC) na pinatatakbo ng pamahalaan.
Inihayag ng energy official na makikipagpulong ang DOE sa Aramco para talakayin ang planong pasilidad.
