![]()
DAHIL hindi na natuloy ang pagharap ng iba pang testigo sa Impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, inungkat ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang usapin sa voting base o treshold para sa conviction at acquittal.
Sinabi ni Tulfo na sa nakalipas na 23 araw ng impeachment ay 21 na bumaba sa 20 na senator judges ang dumadalo sa pagdinig.
Binigyang-diin ng senador na nais niyang malinawan kung paano ang sistema sa magiging pagboto o sinu-sino ang papayagang bumoto.
Idinagdag ng senator judge na maging ang publiko ay interesadong malaman kung mapaninindigan ang ruling ng Impeachment Court Presiding Officer na 16 votes ang kailangan para sa conviction.
Ipinaalala ni Tulfo na dalawa sa mga senador ang nakakulong, isa ang nagtatago at isa ang nagpapagamot sa ibang bansa.
Samantala, sinabi ni Presiding Officer Chiz Escudero na hindi pa sila handang magdesisyon sa usapin ngayong araw na ito.
Kaya naman, iginiit ni Escudero na sa September 16 ay magpapatawag sila ng mga amici curie o friends of court kabilang na ang mga dating mahistrado at constitutional framers upang magbigay ng kanilang kaalaman kaugnay sa usapin.
Itatakda naman anya nila sa September 23 ang botohan para sa desisyon sa voting base o treshold.
