![]()
Iginiit ng mister ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio na ilan sa expenditures na tinalakay sa impeachment trial laban sa Bise Presidente ay galing sa sarili niyang pera at hindi na sana isinama pa.
Sa statement, sinabi ni Carpio na ang gastusin ay nakapaloob sa sarili niyang credit card at walang kinalaman sa kanyang misis o sa opisina nito.
Binigyang-diin ni Carpio na walang ilegal sa paggastos sa pera na kanyang pinaghirapan, at wala ring public funds na ginamit para sa personal expenses.
Partikular na tinukoy ng abogado ang tatlong expenditures na pinuna ni forensic accountant Alexander Cabrera sa trial, gaya ng daan-daang libong pisong halaga ng gastos sa Japan, pati na sa Nike outlets sa Malaysia at Davao del Sur.
Idinetalye ang expenses sa bahagi ng impeachment trial na sumasaklaw sa umano’y unexplained wealth ni VP Sara, kasama ang ilang business interests at pinansyal na usapin na iniugnay kay Carpio, dahil sa kanilang pagiging mag-asawa.