dzme1530.ph

PAOCC, balak maghukay sa POGO hub sa Porac, Pampanga

Balak ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na maghukay sa niraid na POGO hub sa Porac, Pampanga sa hinalang may mga inilibang na tao sa lugar.

Ayon kay PAOCC Chief Usec. Gilbert Cruz, may mga testigo ang lumapit sa kanila at nagtuturo na mayroong mga inilibing na torture victims sa lugar.

Ipinaliwanag ni Cruz na dalawang hindi magkakilalang testigo na ang nagsabi at nagturo ng iisang lokasyon sa POGO hub na dapat nilang hukayin.

Dahil dito hihiling sila ng court order upang payagan silang maghukay sa lugar.

Inihayag din ni Cruz na humiling na sila ng listahan ng missing persons sa mga embassies upang agad din nilang maitugma kung sakali sa posibleng makukuhang bangkay sa lugar.

Samantala, kinumpirma rin ni Cruz na mayroon ding mga nagpasaring sa kanya para ayusin na lamang ang kaso nina Alice Guo.

Subalit dahil marahil kilala naman ang kanyang pagkatao ay hindi itinutuloy ang posibleng paglapit sa kanya upang ayusin ang mga kaso sa POGO. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author