![]()
POSIBLENG maging pamasko ng Senado sa publiko ang pag-apruba sa panukalang magtatanggal sa systems loss sa buwanang bayarin sa kuryente.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, magdodoble-kayod ang Senado para maamyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) hanggang Disyembre, dahil kaisa silang mga senador ng Pangulo sa pagnanais na mapababa ang halaga ng kuryente.
Sinabi ni Zubiri na sa gagawin nilang pag-amyenda sa batas, ang distribution utilities na ang babalikat sa systems loss kaya mababawasan ang electric bill ng publiko.
Sinabi naman ni Senate Committee on Energy Chair Erwin Tulfo na kakayanin nilang maipasa ang panukala bago matapos ang taon.
Katunayan aniya, may pagdinig sa Huwebes ang kanyang komite, kung saan hihingan niya ng panig ang mga distribution companies at iba pang stakeholders.
Susunod-sunod aniya ang mga pagdinig para kaagad nang maisalang sa plenary deliberations ng Senado.
