![]()
PINALAGAN ni Senator Judge Panfilo Lacson ang pagturing ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na honest mistake lang ang deklarasyon ni Vice President Sara Duterte sa kanyang SALN bilang stockholder ng GenCorp Industries.
Itinuturing ni Lacson na double-edged sword o dalawa ang maaaring ipakahulugan ng honest mistake.
Sinabi ni Lacson na maaaring ipakahulugan nito na hindi sinasadyang pagkakamali na naglalantad ng katotohanan, o maaaring tunay na pagkabulag sa isang bagay para mapagkamalang totoo ang kasinungalingan.
Sa ganitong usapin anya, ang sinasabing nakagawa ng honest mistake lamang ang dapat magpaliwanag.
Si Panelo ay ama ng spokesperson ni VP Sara Duterte na si Atty. Salvador Panelo Jr.
Sa impeachment trial, tinukoy ng prosekusyon na idineklara ni VP Sara sa SALN na stockholder siya ng GenCorp.
Bilang testigo ng panig ni VP Sara, sinabi ng in-house counsel ng GenCorp na si Atty. Suzette Balucanag-Punay na hindi nila stockholder at walang papel sa kanilang business transactions ang Bise Presidente.
Subalit hindi nito maipaliwanag ang pagbibigay ng GenCorp ng ₱2.1 million na pera mula 2023 hanggang 2025 na anya’y return of capital.
