![]()
SINIMULAN na ng Impeachment Court ang pagdinig sa article 4 sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na may kinalaman sa death threat laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang personalidad.
Unang iniharap ng prosecution panel si NBI Senior Agent John Mark Sta Ana Calilung na nagsagawa ng pagsusuri sa video at digital recordings ng pagbabanta ng Bise Presidente laban sa Pangulo, kay First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sinubukan ng defense panel na isulong na i-exclude o huwag nang isama sa paglilitis si Calilung dahil hindi anila ito kasama sa listahan ng mga isinumiteng testigo sa impeachment case.
Hindi naman kinatigan ni Impeachment Presiding Officer Chiz Escudero ang mosyon ng dipensa sa paggiit na maaaring magdagdag ng mga testigo o ebidensya sa pagdinig.
Bago ang pagharap ni Calilung, binigyang-diin ni House Prosecutor at Cong Lorenz Defensor sa introduction sa article 4 na ang kilos at salita ng Bise Presidente ay hindi simpleng krimen kundi tuwirang paglabag sa saligang batas.
Ipinaalala rin niyang ang anumang kapangyarihan ay may kaakibat na pananagutan kasabay ng tanong kung dapat bang ipagpatuloy na ipagkatiwala ang isang public office sa isang taong nagiging bayolente.
