![]()
MAY katapusan din ang pagtakbo ni Pastor Apollo Quiboloy sa pananagutan.
Ito, ayon kay Senador Risa Hontiveros ay kasunod ng paglalabas ng extradition order ng korte laban kay Quiboloy.
Sinabi ni Hontiveros na nakikinig ang mundo at hindi makakatakas si Quiboloy sa pananagutan.
Binigyang-diin ni Hontiveros na mahigit apat na taon na ang founder ng Kingdom of Jesus Christ sa wanted list ng FBI dahil sa mabibigat na kaso ng sex trafficking.
Magandang balita anya ang paglalabas ng extradition arrest waraant para sa mga matagal nang naghihintay ng hustisya at ngayon ay maisasakatuparan na ang proseso nang walang anumang delay.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Women, sinabi ni Hontiveros na hindi niya malilimutan ang tapang ng mga babaeng humarap sa mga pagdinig sa Senado.
Bagama’t may mga makapangyarihang kaibigan anya si Quiboloy ay hindi naman nito mapapatahimik ang mga babaeng tumestigo laban sa kanya.
Iginiit pa ni Hontiveros na pinatunayan din nito na walang borders ang katarungan at walang sinuman ang mas mataas pa sa batas kahit saan sa mundo kahit sabihing si Quiboloy pa.
