dzme1530.ph

DOLLAR ACCOUNT NI VP SARA DUTERTE, MAAARI PANG TALAKAYIN SA REBUTTAL EVIDENCE NG HOUSE PROSECUTION TEAM

Loading

MAAARI pang iprisinta ng prosekusyon sa Senate Impeachment Court ang bagong kumpirmasyon ng isang bangko na may dollar accounts si Vice President Sara Duterte.
 
Sinabi ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na sa pamamagitan ito ng rebuttal evidence na maaari ring salagin ng defense team ng Vice President sa pamamagitan ng sur-rebuttal.
 
Sa proseso, isinusumite ang rebuttal evidence para sa bagong impormasyon na lumutang sa gitna ng presentasyon ng isang panig sa paglilitis — at magpapasya ang korte kung ito ay tatanggapin.
 
Sinabi ni Tongol na batay sa impeachment rules, ang rebuttal ukol sa umano’y dollar accounts ay puwedeng isumite ng prosekusyon kapag natapos na ang defense team ni VP Duterte sa paghaharap ng mga testigo at kapag nakapagsumite na sila ng formal offer of evidence.
 
Lumutang ang impormasyon ukol sa dollar accounts nang iniurong ng defense panel ang paghaharap kay BPI Senior Vice President Paul Roderick Ismael, sa katwirang hindi na kailangan dahil mag-o-authenticate lang sa isang sulat.
 
Dito sinabi ni private prosecutor James Bryan Ibrahim Ali na balak sana nilang i-cross-examine si Atty. Ysmael ukol sa sulat ng kanilang bangko na may isinaad ukol sa dollar accounts ng Vice President — na hindi noon nakita ng prosekusyon dahil hindi na-subpoena ng Impeachment Court.
 
Tugon sa kanya ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero, hindi puwedeng diktahan ang defense panel sa paghaharap ng testigo kaya kung gusto ng prosekusyon, magsumite sila ng rebuttal evidence o memorandum.
 
Sa BPI natukoy ang dalawang joint time deposits nina Vice President Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte.

About The Author