![]()
PINALAGAN ni Senate Committee on Labor & Employment Vice Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang pagharang ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152 sa implementasyon ng ₱85 daily minimum wage hike sa Metro Manila.
Iginiit ni Tulfo na hindi katanggap-tanggap ang naging hakbang na ito ng korte dahil malinaw na nakasaad sa Article 126 ng ating Labor Code na walang hukuman, tribunal, o iba pang kinauukulang awtoridad ang puwedeng magpalabas ng preliminary injunction, permanent injunction, o TRO laban sa anumang pagdinig, hakbang, o proseso ng mga Regional Wage Boards.
Idinagdag pa ng senador na kung mayroon mang apela, dapat ay idinaan ito sa tamang proseso at sa kinauukulang ahensya na National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Binigyang-diin pa ng mambabatas na kakarampot lang ang wage increase sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin ay ipinagkait pa ito sa mga kawawang manggagawa na nais lamang maitawid ang pang-araw-araw nilang gastusin.
Bagama’t may karapatan aniya ang bawat mamamayan na maghain ng petition for declaratory relief sa korte kung sa tingin niya ay agrabyado siya sa ilalim ng batas o isang regulasyon, sinabi ni Tulfo na ang hakbang na ito ay labag sa Labor Code at isang malaking dagok sa kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino.
Mas malaking paglabag aniya sa kanilang karapatan ang pagsuspinde ng dagdag-sahod, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo’t buhay at kabuhayan ng mga laborers ang dapat na mas manaig sa usaping ito.
Kaugnay nito, maghahain si Tulfo ng panukala para amyendahan ang probisyon sa Article 126 ng Labor Code nang sa gayon ay hindi na magkaroon ng pagkalito sa implementasyon ng batas hinggil sa wage hike.
