dzme1530.ph

BEAUTY LOVE AT BEAUTY WHITE, PINA-RECALL NG FDA DAHIL SA IPINAGBABAWAL NA SANGKAP

Loading

Ipinag-utos ng Food and Drug Administration (FDA) ang pag-recall sa dalawang cosmetic product matapos matuklasang naglalaman ito ng mga ipinagbabawal na sangkap na maaaring makasama sa kalusugan ng mga gumagamit.
 
Sa advisories na may petsang July 30, 2026, pina-recall ng FDA ang mga apektadong batch ng Beauty White Facial Toner na may Batch/Lot No. YGRT 260203 at Beauty Love Skin Essentials Rejuvenating Facial Toner na may Batch/Lot No. BLT 260301, na ginawa ng You Glow Babe Skin Care Product Trading OPC at KCN Enterprises.
 
Ayon sa FDA, natuklasang naglalaman ang mga naturang cosmetic product ng tretinoin at hydroquinone matapos ang laboratory analysis na isinagawa bilang bahagi ng post-marketing surveillance (PMS) activities ng ahensya.
 
Sinabi ng FDA na kabilang sa mga posibleng side effect ng mga naturang sangkap ay iritasyon sa balat, mata, at respiratory system; hypersensitivity o allergic reactions; pagtaas ng sensitivity sa ultraviolet (UV) radiation, at iba pa.
 
Inatasan din ng ahensya ang lahat ng kanilang regional field offices at regulatory enforcement units, mga local government unit, at law enforcement agencies na tiyaking hindi maipagbibili o maipamamahagi sa merkado ang mga apektadong produkto.

About The Author