dzme1530.ph

Paggawad ng Filipino citizenship sa isang Chinese, pinanindigan

Loading

Walang nakikitang dahilan si Senate President Francis “Chiz” Escudero para pigilan ang paggawad ng Filipino citizenship sa Chinese national na si Li Duan Wang.

Una nang inaprubahan ng Senado ang Filipino citizenship ni Wang sa botong 19 na senador na pabor, isang tutol at wala namang abstention.

Ito ay sa gitna ng pagtutol at babala ni Sen. Risa Hontiveros makaraang makatanggap umano ng impormasyon na may kaugnayan si Wang sa POGO operations.

Ayon kay Escudero, nagbotohan ang Kongreso at desisyon ng mayorya na gawaran ng Filipino citizenship si Wang.

Sinabi ng senador na ang pagtutol ng isang mambabatas ay hindi nangangahulugan na hindi na dapat aprubahan ang isang resolusyon.

Sa kabilang dako, maaari aniyang imbestigahan si Wang sa mga alegasyon laban sa kanya.

Maging si Sen. Sherwin Gatchalian ay nanindigan sa pagboto pabor sa paggawad ng Filipino citizenship kay Wang dahil wala aniyang ebidensya na magpapatunay na sangkot siya sa anumang iregularidad at sa halip ay nakakuha ng mga sertipikasyon na malinis ang kanyang record. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author