![]()
IPINAALALA ni Senate Committee on Public Services Chairperson Raffy Tulfo ang pangangailangan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at ng publiko upang matiyak ang ligtas ang paggunita ng Undas.
Sinabi ni Tulfo na kailangang tiyakin ang roadworthiness ng mga pampublikong sasakyan, maayos na seguridad sa mga paliparan at pantalan, at kahandaan ng mga expressway upang maiwasan ang mga aksidente at iba pang insidente sa panahon ng Undas.
Pinatitiyak ng senador sa Land Transportation Office ang maayos na kondisyon ng mga pampasaherong bus bago payagang bumiyahe kabilang ang maayos na preno, mga gulong na hindi pudpod, mga drayber na sumailalim sa drug testing, at mahigpit na pagpigil sa pamamasada ng mga colorum na bus.
Binigyang-pansin din ni Tulfo ang seguridad sa mga paliparan, kung saan inaasahang aabot sa mahigit 1.25 milyong pasahero ang bibiyahe ngayong Undas 2026.
Hinimok ni Tulfo ang Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority (PPA), at Philippine Coast Guard (PCG) na tiyaking sumusunod ang mga sasakyang pandagat sa mga itinakdang pamantayan sa kaligtasan at handa ang mga ito sa oras ng emergency bago payagang bumiyahe.
Binigyang-diin ni Sen. Tulfo na walang buhay ang dapat mawala dahil sa kapabayaan, lalo na kung ang mga trahedya ay maaari namang maiwasan sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan sa kaligtasan.
Nais din ni Tulfo na tiyaking may sapat na tauhan ang mga expressway upang agad na makatugon sa pangangailangan ng mga motorista, lalo na sa oras ng emergency.
