dzme1530.ph

Paglalagak ng investment ng MIC sa NGCP, kaduda-duda —Sen. Hontiveros

Loading

Mas maraming katanungan ang nabuo sa biglaang pagpasok ng Maharlika Investment Corporation sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ito ang iginiit ni Sen. Risa Hontiveros na nagsabing hindi ito nagdulot ng kapanatagan sa consumers.

Kabilang sa mga katanungan ng senador ay kung gusto ba ng gobyerno na mas maimpluwensiyahan ang kalakaran ng NGCP sa pamamagitan ng dagdag na board seats.

Kung ito ang layunin, bakit hindi na lang umano pinakinggan ang panawagan na ibalik sa pamahalaan ang kontrol sa systems operation function ng NGCP.

Binigyang-diin pa ni Hontiveros na walang epekto ang MIF investment sa 40% stake sa NGCP ng isang Chinese state firm, na may veto power pa.

Iginiit ng mambabatas na dapat pag-aralan ang lahat ng opsyon kabilang na ang re-nationalization ng power grid, na ginawa na rin ng ibang bansa tulad ng United Kingdom.

Kasama pa sa tanong ng senador ay kung mapapababa ng MIF investment ang buwanang bill ng kuryente at mapapalakas ang power reliability ng bansa.

Gayundin ay kung makikisali ba ito sa napakaraming kontrobersiya na hinaharap ng NGCP, tulad ng ₱8.7 Billion na security at janitorial expenses na gustong ipasa ng NGCP sa consumers.

Nakakagulat aniya na ngayon pa nag-invest ang MIC sa NGCP, ngayong may posibilidad na ma-cancel o ma-amyendahan  ng Kongreso ang prangkisa nito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author