![]()
Maiku-konsidera lamang ang pag-block sa Facebook sa Pilipinas bilang “last resort” sa gitna ng mga pangamba kaugnay ng posibleng mapaminsalang content nito at pang-aabuso sa online.
Pahayag ito ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Henry Aguda, kasabay ng paliwanag na gagamitin muna ng pamahalaan ang lahat ng available na hakbang upang obligahin ang platforms na sumunod sa mga kahilingan na naglalayong protektahan ang Filipino users, partikular ang mga bata.
Sinabi ni Aguda na nangyari na ito sa TikTok, at epektibo ang kanilang ginawa, kaya kung mapapansin ay walang masyadong problema sa naturang platform.
Natukoy aniya ng DICT ang dalawang major issues na kinasasangkutan ng Meta, ang kumpanyang nasa likod ng Facebook.
Una rito ay ang identity verification na kailangan upang matulungan ang mga awtoridad na matukoy ang users na gumagamit ng fake accounts o troll accounts para makagawa ng pang-aabuso sa online.
Ang ikalawang isyu aniya ay ang bilis para maalis ang harmful content, kung saan, bagaman inalis ng Meta ang livestreaming ng shooting incidents, dapat ay naging mas maagap ang kumpanya.
Ipinunto rin ng kalihim ang kawalan ng tanggapan ng Meta sa Pilipinas.
Una nang inihayag ng Malacañang na bukas ito sa proposal na alisin ang social media platforms sa bansa kung lalabas sa mga pag-aaral na nagko-contribute ito ng karahasan at iba pang mapanganib na epekto.
