![]()
Aabot sa siyam na milyong pisong halaga ng mga produktong petrolyo o tinatayang nasa 69,634 na litro ang nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas Provincial Field Unit sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Lipa City, Batangas, noong Miyerkules, November 28, 2026.
Ayon sa report ng CIDG kay Police Director General Jose Melencio C. Nartatez Jr., dalawang suspek, isang lalaki at isang babae na kinilalang sina alyas Carlo at alyas Rea, ang naaresto matapos maaktuhang nagtitinda ng produktong petrolyo sa kanilang mga gasolinahan nang walang Certificate of Compliance (COC) at License to Operate (LTO) mula sa Department of Energy (DOE).
Sa unang operasyon sa Barangay San Sebastian, nakumpiska ang 14,210 litro ng petrolyo na nagkakahalaga ng ₱2 milyon mula sa tatlong underground storage tank.
Samantala, sa ikalawang operasyon naman sa Barangay Sabang, nasamsam ang nasa 55,424 litro ng petrolyo na nagkakahalaga ng ₱7 milyon mula sa apat na underground storage tank.
Ayon sa CIDG, posibleng lumabag ang mga suspek sa Batas Pambansa Bilang 33, na inamyendahan ng Presidential Decree 1865, na nagbabawal sa ilegal na pagbebenta at pamamahagi ng produktong petrolyo nang walang kaukulang pahintulot ng gobyerno.
Patuloy namang paiigtingin ng CIDG, katuwang ang DOE, ang operasyon laban sa ilegal na kalakalan ng petrolyo upang maprotektahan ang publiko at maiwasan ang mga gawaing nakaaapekto sa ekonomiya at kaligtasan ng publiko.
