![]()
Pinag-aaralan ng Malacañang ang ipinanukalang itaas sa bente pesos kada litro ang fuel subsidy sa mga public utility vehicle drivers.
Kasabay nito, hinikayat ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang transport groups na patuloy na makipagtulungan sa gobyerno sa halip na magsagawa ng panibagong transport strike.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang rekomendasyon ay mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board at pinag-uusapan na ng Office of the Executive Secretary, Department of Transportation, at economic team.
Tiniyak naman ni Castro na magpapatuloy hanggang ngayong buwan ang sampung piso kada litro na fuel subsidy habang pinag-aaralan pa ang panukala.
Iaanunsyo aniya ng Malacañang ang kanilang desisyon sa sandaling matapos na ang diskusyon.
Una nang inihayag ng grupong Manibela na ikinakasa na nila ang panibagong tatlong araw na transport strike sa Aug. 10 hanggang 12.
