dzme1530.ph

OPERASYON NG DIGIPLUS INTERACTIVE CORPORATION SA GAMING INDUSTRY, PALALAWAKIN PA

Loading

Palalawakin pa ng DigiPlus Interactive Corp. ang operasyon nito sa gaming industry matapos ilunsad ng kanilang casino business ang pagpasok sa online gaming market.
 
Ayon sa Hong Kong-listed International Entertainment Corp., lumagda sa kasunduan ang kanilang subsidiary na New Coast Leisure Inc. (NCLI) at ang Total Gamezone Xtreme Inc. (TGXI), kumpanyang pag-aari ng DigiPlus Interactive Corp.
 
Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang NCLI at TGXI sa pagsasama, pamamahala, technical support at operasyon ng mga aprubadong online games at iba pang gaming content na konektado sa online gaming platform ng Lavie Resort & Casino Manila.
 
Ang TGXI ay nasa ilalim ng DigiPlus, na siyang nag-ooperate ng mga kilalang gaming brand na BingoPlus, ArenaPlus at GameZone.
 
Ang kasunduan ay tatagal ng dalawang taon at maaaring i-renew taun-taon.
 
Ang hatian sa kita ay ibabatay sa aktuwal na kontribusyon ng bawat partido sa operasyon.
 
Tiniyak naman na may mga lisensya at akreditasyon mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR ang kumpanya para sa online gaming operations.
 
Kabilang dito ang Electronic Games Operator License, accreditation bilang gaming system administrator, at accreditation bilang game content provider.
 
Ang hakbang na ito ay bahagi ng layunin ng DigiPlus Interactive Corp. na palawakin ang entertainment ecosystem nito sa pamamagitan ng pagsasama ng online at pisikal na gaming platforms.

About The Author