![]()
Naka-full alert ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bunsod ng epekto ng Tropical Depression Maymay at ng habagat, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kahandaan at mabilis na tugon ng pamahalaan sa gitna ng masamang lagay ng panahon.
Aniya, naka-standby ang rescue personnel at equipment ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at nakikipag-coordinate din ang ahensya sa lahat ng Disaster Risk Reduction and Management Offices at sa labimpitong local government units sa buong rehiyon.
Nagpatupad din ng mahigpit na preemptive evacuation sa flood-prone at landslide-prone areas, kabilang ang mga nasa coastal zones.
Bukod sa operational pumping stations, nakahanda na rin ang mobile pumps, at nagsasagawa na ng preemptive pumping upang tumaas ang kapasidad ng mga daluyan ng tubig.
