![]()
NIRERESPETO ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang pagtanggi ni dating Law Dean Ralph Sarmiento na humarap sa impeachment trial bilang testigo ng dipensa.
Sinabi ni Atty. Michael Poa, defense counsel at spokesperson, na kinikilala nila ang desisyon ni Sarmiento at naa-appreciate nila ang inisyal niyang konsiderasyon sa kanilang imbitasyon.
Idinagdag ni Poa na nagsumite na sila ng listahan ng mga testigo para sa paglilitis sa susunod na linggo bilang pagtugon sa 5-day rule.
Nanindigan din si Poa na hindi nila ilalabas ang nilalaman ng kanilang court submissions at filings.
Samantala, kinumpirma ni Impeachment Court Spokesman Atty. Reginald Tongol na kabuuang 25 testigo ang hiniling ng defense team na ipasubpoena para sa impeachment trial sa susunod na linggo.
Kasama pa sa talaan si Sarmiento na ihaharap sana sa Lunes.
Kabilang sa mga nasa listahan ng testigo sina Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng Gencorp Industries, Incorporated; Eng. Jaime Adalin, city assessor ng Davao City; Engr. John Kenneth Enumerables, city assessor ng Island Garden City of Samal; Vingelin Bajan, City Accountant ng Davao City; Cindy Colina, punong barangay ng Matina Crossing, Davao City; kasama ang mga opisyal ng ilang bangko.
Sinabi ni Tongol na rerebyuhin pa ni Presiding Officer Francis Chiz Escudero ang listahan ng mga testigo para sa pag-iisyu ng subpoena.
