![]()
ISINUSULONG ni Senador Joel Villanueva ang panukala na oobligahin ang mga bangko at iba pang financial institution na sumunod sa mga relief measures ng Bangko Sentral ng Pilipinas tuwing may krisis.
Sa kanyang Senate Bill 2121 o ang proposed Emergency Financial Stability and Consumer Protection Act, sinabi ni Villanueva na napatunayan sa mga nagdaang COVID-19 pandemic at kamakailang State of National Energy Emergency na kulang ang kapangyarihan ng BSP upang pilitin ang mga bangko na magpatupad ng pare-parehong tulong sa publiko.
Sa ilalim ng panukala, maaaring maglabas ang BSP ng mandatory directives sa lahat ng BSP-supervised financial institutions kabilang ang mga bangko, quasi-banks, electronic money issuers, at payment system operators sa oras na ideklara ang national emergency at makita ng Monetary Board na kinakailangan ang extraordinary regulatory intervention.
Kabilang sa maaaring iutos ng BSP ang mandatory grace periods, pagpapaliban ng bayad sa utang, loan restructuring accommodations, at iba pang consumer assistance programs.
Maaari ring suspendihin o alisin pansamantala ang mga bayarin sa electronic payment channels tulad ng InstaPay at PESONet upang mabawasan ang pasanin ng publiko sa panahon ng krisis.
Nakasaad din sa panukala na kailangang maging makatwiran, targetted, at may takdang panahon lamang ang bawat emergency measure upang mapangalagaan pa rin ang operasyon at financial stability ng mga bangko at iba pang regulated institutions.
Samantala, maaaring patawan ng administrative fines, cease-and-desist orders, at suspensyon ang mga institusyong hindi susunod sa direktiba ng BSP.
