dzme1530.ph

ALAMIN KUNG PAANO PUMILI NG PINAKAMAINAM NA SUNSCREEN

Loading

Sa gitna ng tumitinding init ng panahon, hinihikayat ng mga eksperto ang publiko na gumamit ng angkop na sunscreen upang maprotektahan ang balat laban sa masamang epekto ng ultraviolet o UV rays.

Ayon sa mga dermatologist, ang pinakamainam na sunscreen ay may “broad-spectrum” protection, na nangangahulugang kayang hadlangan ang UVA at UVB rays na sanhi ng sunburn, premature aging, at pagtaas ng panganib ng skin cancer.

Inirerekomenda rin ang pagpili ng may SPF 30 o mas mataas para sa araw-araw na gamit, habang mas mataas na SPF naman ang kailangan para sa mga aktibidad sa labas tulad ng paglangoy o pag-eehersisyo.

Mahalaga rin na ito ay water-resistant lalo na sa mga madalas pagpawisan.

Binibigyang-diin ng mga eksperto na hindi lahat ng sunscreen ay pare-pareho.

Para sa mga may sensitibong balat, mas mainam ang mineral o physical sunscreen na may sangkap na zinc oxide o titanium dioxide dahil mas mababa ang tsansa ng iritasyon.

Paalala naman ng mga doktor na dapat maglagay ng sapat na dami ng sunscreen 15 hanggang 30 minuto bago lumabas ng bahay, at ulitin ito bawat dalawang oras o agad pagkatapos maligo o pagpawisan.

Bukod sa paggamit ng sunscreen, inirerekomenda rin ang pagsusuot ng protektibong damit, sombrero, at pag-iwas sa matinding sikat ng araw sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

About The Author