Alas-10:35 Kaninang umaga nang dumating sa tanggapan ng Korte Suprema si dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Sal Panelo kasama ang anak nito na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. upang maghain ng petition for writ of habeas corpus.
Kasunod ito ng ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang inilabas warrant of arrest dahil sa naging madugong kampaniya nito noon kontra iligal na droga.
Mismong si Veronica “Kitty” Duterte ang petitioner kung saan humihiling ito sa Korte Suprema na pilitin ang gobyerno na ibalik sa bansa ang dating pangulong Duterte.
Nanindigan naman ang mag-amang Panelo, na ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay iligal dahil ang ICC o International Criminal Court ay wala ng hurisdiksyon sa Pilipinas.
Paliwanag pa ng mag-ama, hindi rin naging makatarungan ang pag-aresto at pinagkaitan ng legal na representasyon ang dating presidente.
Nais rin nila na managot ang gobyerno dahil tila hindi na nirerespeto ang soberanya ng bansa kung saan isinuko nito ang isang Pilipino ng hindi dumaan sa tamang proseso ng ating batas.