Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo ang imbestigasyon sa reklamo ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) sa mabagal na pagproseso ng kanilang mga benepisyo, partikular ang kanilang retirement claims.
Sa kanyang Senate Resolution (SR) No. 544, iginiit ni Tulfo na ang pagkaantala sa pagproseso ng mga claim ay perwisyo sa mga retirees, lalo pa sa mga umaasa sa kanilang mga benepisyo para pangtustos sa pang-araw-araw na gastusin.
Binigyang-diin ni Tulfo na ang SSS ay inaasahang magbigay ng proteksyon sa mga Pilipino at tulungan silang maghanda para sa hinaharap sa pamamagitan ng mga kontribusyon at benepisyo.
Sinabi ni Tulfo na dapat alamin ang mga dahilan ng pagkaantala sa pagproseso ng mga claim at ang mga hakbang na ginagawa ng SSS upang matugunan ang mga isyung ito.
Binanggit din ng senador na dapat malaman sa imbestigasyon ang mga posibleng reporma na maaaring ipatupad upang mapabilis ang pag-claim ng mga benepisyo, tulad ng paggamit ng digital technology.
Idinagdag pa ng mambabatas na dapat isama sa inquiry ang pangangailangan para sa karagdagang pondo at manpower para suportahan ang SSS sa pagproseso ng mga claims at ang posibleng pagtatatag ng monitoring system para sa mga claim.