dzme1530.ph

SUSPENSYON NG BUWIS SA MGA PRODUKTONG PETROLYO, PAKIKINABANGAN NG LAHAT AT HINDI LANG NG MAYAYAMAN

Loading

KINONTRA ni Senador Bam Aquino ang pahayag ni Finance Secretary Frederick Go na mas makikinabang ang mga mayayaman kung sususpindihin ang pagpapataw ng VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo.
 
Sinabi ni Aquino na malaki ang epekto ng fuel price hike sa mahihirap at middle class, gayundin sa mga nasa transport sector, delivery riders, mga magsasaka, mangingisda, small producers at entrepreneurs.
 
Kapag tumataas aniya ang presyo ng petrolyo, lumalaki rin ang pasanin sa presyo ng mga bilihin at sa araw-araw na gastusin ng mga pamilya.
 
Binigyang-diin ng senador na nabigyan na ng kapangyarihan ang Pangulo na suspindihin ang VAT at excise tax sa petroleum products at mananatili ito hanggang sa katapusan ng taon.
 
Nanawagan si Aquino na gamitin na ang nasabing mekanismo upang magbigay ng agarang kaluwagan sa mga consumer.
 
Mahalaga aniyang makita ng mga Pilipino ang konkretong tulong ng gobyerno habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.

About The Author