dzme1530.ph

LGU SAN MARCELINO, NAGPALIBAN NG RELIEF OPS SA STA. FE DAHIL SA PANGANIB NG LAHAR SA STO. TOMAS RIVER

Loading

SAN MARCELINO, Zambales – Ipinagpaliban muna ng lokal na pamahalaan ng San Marcelino at ng mga katuwang na ahensya ang nakatakdang relief operations sa Barangay Sta. Fe ngayong araw, Biyernes, Agosto 28, dahil sa hindi ligtas na kondisyon ng Sto. Tomas River.
 
Ayon sa ulat, hindi na kayang tawirin ng mga sasakyang pansakay ang ilog dahil sa malakas na ragasa ng tubig na may kasamang lahar. Ito ay bunga ng walang humpay na pag-ulan na dulot ng habagat na patuloy na nakakaapekto sa bahagi ng Luzon.
 
Dahil sa peligrong dulot ng agos, nagdesisyon ang grupo na ipagpaliban ang pamamahagi ng food packs at cash assistance sa mga residente ng nasabing barangay. Ang rescheduled distribution ay isasagawa sa oras na maging ligtas na ang pagbiyahe patungo sa lugar.
 
Samantala, tiniyak naman ng mga awtoridad na patuloy nilang mino-monitor ang kondisyon ng Sto. Tomas River gayundin ang kalagayan ng mga residente ng Barangay Sta. Fe upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang nakabinbin ang muling pagtawid ng mga relief convoy.
 
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng LGU sa mga residente upang sila ay manatiling alerto at handa sa anumang posibleng paglala ng sitwasyon.

About The Author