![]()
MULING iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat na ring suspindihin ang excise tax sa gasolina at diesel upang maibaba pa ang presyo nito.
Sinabi ni Gatchalian na maaari namang makuha sa koleksyon sa Value Added Tax ang posibleng kita ng gobyerno mula sa excise tax.
Ipinaalala ni Gatchalian na sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay sumasabay ding lumolobo ang koleksyon ng 12 percent VAT.
Inihalimbawa ng senador ang February 24 hanggang April 27 na pagtaas ng presyo ng petrolyo kung saan umabot sa P15.4 billion ang windfall VAT collection sa gasolina at diesel.
Kaya sa VAT anya maaaring makuha ang P13 hanggang P14 billion na revenue loss kapag sinuspinde ang P6 at P10 excise tax sa diesel at gasolina.
Muling iginiit ni Gatchalian na maaari nang ipatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang kapangyarihang iginawad sa kanya ng Kongreso na suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo.
