![]()
Nakapagpamahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit 117 million pesos na halaga ng humanitarian assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng pag-aalboroto ng Mayon Volcano sa Albay.
Ayon sa ahensya, nakapagbigay sila ng food and non-food items, psychosocial interventions, cash-for-work, at emergency cash transfer sa internally displaced persons (IDPs).
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao na ibinilin ni Secretary Rex Gatchalian na ma-replenish o mapalitan agad ang food packs na nailabas sa mga warehouse, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya, pinatututukan ng Pangulo ang Bicol Region at pinatitiyak na mayroong sapat na resources na maaaring ipamahagi sa mga maaapektuhan ng abnormal na aktibidad ng Bulkang Mayon.
As of 6 p.m. ng May 3, nakapag-distribute na ang DSWD ng 71,153 family food packs; 7,634 non-food items; at 1,402 ready-to-eat food sa affected families.
Para naman sa cash aid, inihayag ni Dumlao na nakapag-disburse na ang ahensya ng mahigit 45 million pesos sa 3,487 farmers at IDPs, na pansamantalang nahinto ang kabuhayan dahil sa pag-aalboroto ng bulkan.
