![]()
IKAKASA ng Senate Committee on Energy sa susunod na linggo ang imbestigasyon kaugay sa biglaang pagtaas ng singil sa kuryente.
Ito ang tiniyak ni Committee Chairperson Pia Cayetano kung saan aalamin din anya nila kung kailangang amyendahan ang mga umiiral na batas at mga polisiya.
Layun ng pagsisiyasat na magbigay-linaw sa mga isyu, matiyak ang kapakanan ng mga consumer at maglatag ng mga posibleng reporma sa sektor ng enerhiya.
Sinabi ni Cayetano na dumarami na ang reklamo ng mga consumer na nabigla sa paglobo ng kanilang electricity bill sa mga nakalipas na buwan.
Inihalimbawa niya ang isang consumer na umakyat sa P7,000 ang bayarin sa kuryente mula sa P5,000.
Nakukuwestyon din ng netizens ang sobra-sobrang karagdagang singil o other charges na umaabot pa sa libu-libong piso kasama na rin ang mataas na buwis.
Ipinaliwanag ni Cayetano na binubuo ang electricity bill ng iba’t ibang charges tulad ng generation, transmission, distribution, system loss, at iba pang singil tulad ng lifeline subsidy, senior citizen discount at feed-in tariff para sa renewable energy.
Aprubado umano ng Energy Regulatory Commission ang singil na ito na nakabase sa umiiral na batas.
