dzme1530.ph

IMBESTIGASYON SA UNFAIR POLICIES SA PROTEKSYON SA MGA CONSUMERS NA IPINATUTUPAD NG ERC, PINABUBUSISI

Loading

Isinusulong ni Senador Risa Hontiveros ang isang resolusyon upang imbestigahan ng Senado ang tinawag niyang unfair o hindi makatwirang mga polisiya para sa proteksyon ng mga consumer na ipinatutupad ng Energy Regulatory Commission (ERC).
 
Sa kanyang Resolution No. 509, inihayag ni Hontiveros na mandato ng ERC na protektahan ang mga electricity consumer, ngunit maaari umanong nagkukulang ito sa naturang tungkulin.
 
Binigyang-diin ng senadora ang karapatan ng mga consumer na i-protesta ang kanilang bayarin sa kuryente, lalo na kung may maling pagbasa sa metro.
 
Subalit ipinapayo umano ng ERC na bayaran muna ang kinukuwestiyong bayarin.
 
Dahil dito, kinuwestiyon ng mambabatas kung bakit napupunta sa consumer ang responsibilidad sa maling paniningil at nanganganib pa silang maputulan ng kuryente.
 
Tinukoy rin ni Hontiveros ang pagkadismaya ng mga consumer sa mga inaprubahang pagtaas ng singil sa kuryente mula noong Pebrero, gayundin ang panibagong dagdag-singil na halos 35 sentimo kada kilowatt-hour, na iniuugnay sa mataas na presyo ng petrolyo, shutdown ng Malampaya gas facility, at mahigpit na suplay ng kuryente.
 
Ayon kay Hontiveros, dapat repasuhin at amyendahan ang mga polisiya kung mapatutunayang hindi makatarungan at hindi tunay na pabor sa mga consumer.
 
Una nang nanawagan ang senadora ng moratorium sa disconnection ng kuryente sa gitna ng pagdagsa ng mga reklamo kaugnay ng biglaang pagtaas ng electric bill.

About The Author