dzme1530.ph

Hindi agarang pagtalakay sa impeachment complaint laban kay VP Sara, posibleng umabot sa Korte Suprema

Loading

Aminado si Senate Majority Leader Francis Tolentino na maaaring kwestyuhin sa Korte Suprema ang hindi agad pagsasagawa ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay dahil nakasaad anya sa konstitusyon na dapat agad na magdaos ng paglilitis ang Senado bilang impeachment court sa sandaling makatanggap ng articles of impeachment mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Tolentino na ito ang ipinakakahulugan ng probisyon sa konstitusyon na impeachment trial forthwith o agad-agad.

Matatandaang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na posibleng masimulan ang proper trial sa articles of impeachment matapos pa ang ikaapat na State of the Nation Address ng Pangulo sa Hulyo.

Dahil dito, sinabi ni Tolentino na maaaring dumulog ang sinuman sa Korte Suprema para sa declaratory relief upang maliwanagan ang probisyon sa konstitusyon.

Sa ngayon anya ay maituturing na nasa constitutional limbo dahil malaking kwestyon kung kailan dapat magsimula ang paglilitis at kung may hurisdiksyon ang 20th Congress sa impeachment na inihain sa 19th Congress.

About The Author