Maaari pa ring ma-prokalama si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang alkalde ng Davao City hangga’t hindi ito nako-convict sa kasong “crimes against humanity”.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, na hangga’t walang final conviction sa kaso, sa loob man o sa labas ng bansa, mananatili ang pangalan ni Duterte sa balota at maiboboto, at kung manalo ay maipo-proklama.
Binigyang diin ni Garcia na maaaring iproklama ang mga kandidato sa eleksyon kahit wala ang kanilang presensya sa seremonya.
Sa sandali namang mai-proklama, ipinaliwanag ng Poll chief na maaaring lumikha ang Department of the Interior and Local Government ng permanent o temporary vacancy sa posisyon ni Duterte.
Nakasaad sa Local Government Code na ang Vice Governor o Vice Mayor ang gaganap sa tungkulin ng Gobernador o Mayor kapag nabakante ang pwesto.