![]()
Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pag-amyenda ng firearms law sa bansa at patawan ng mas mabigat na parusa ang mga iresponsableng gun owner.
Kasunod ito ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng dalawampung iba pa.
Una nang inihayag ng PNP na isa sa dalawang menor de edad na suspek ay gumamit ng baril ng kanyang tiyahin na pulis sa Eastern Samar.
Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na sa ilalim ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, walang ipinapataw na criminal liability sa indibidwal na hinayaang gamitin ng iba ang kanyang baril para gumawa ng krimen.
Dahil dito, hinimok ni Remulla ang Kongreso na baguhin ang rules and regulations ng batas at lagyan ng criminal aspect ang illegal use o illegal transfer ng mga armas.
