![]()
HINDI tumutukoy sa kabuuan ng trabaho ng Senado na may kaugnayan sa impeachment ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema sa isyu ng terminong forthwith sa konstitusyon.
Ito ang iginiit ni Senate President Vicente Tito Sotto III na nagpaliwanag na ibinatay lamang ng mga mahistrado ang desisyon sa petisyong inihain sa kanila.
Matatandaang umakyat sa Korte Suprema ang ilang indibidwal upang hilingin na atasan ang Senado noon na agad-agad aksyunan ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte alinsunod sa constitutional provision.
Sinabi ni Sotto na tama naman ang naging desisyon ng Korte Suprema batay sa petisyon subalit wala itong kinalaman sa mga susunod pang galaw ng Senado.
Nanindigan si Sotto na sa sandaling umakyat sa kanila ang Articles of Impeachment laban kay VP Sara ay forthwith silang kikilos at ito ay pamamagitan ng pag-convene sa Impeachment Court kinabukasan matapos matanggap ang reklamo.
Samantala, sinabi ni Sotto na muli silang magpapatawag ng caucus sa sandaling maitransmit sa kanila ang Impeachment Case para sa mga partikular na pagkilos ng mga senador.
Sa ngayon ay pinayuhan na ang mga senador na magreview na ng rules of court bilang pangunahing paghahanda.
