dzme1530.ph

PARTNERSHIP NG PILIPINAS AT UNITED ARAB EMIRATES PARA SA OIL STORAGE FACILITY, ISINUSULONG

Loading

SA LAYUNING mas patatagin ang suplay ng langis at kuryente sa bansa, isinusulong ni Senador Erwin Tulfo, Chairman ng Senate Energy Committee, ang pakikipag-ugnayan sa United Arab Emirates (UAE) sa pamamagitan ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC).
 
Layunin nitong magtayo ng isang malaking imbakan ng langis na magsisilbing regional oil hub.
 
Dumalo si Tulfo bilang delegasyon ng Pilipinas sa bilateral discussions kasama sina Philippine Ambassador to UAE His Excellency Alfonso Ver at Special Envoy Kathryna Yu-Pimentel para maisakatuparan ang oil hub sa pamamagitan ng pagtutulungan ng magkabilang pamahalaan at ng mga pribadong kompanya.
 
Sinabi ni Tulfo na nais nilang madaliin ang pagtatayo ng imbakan ng langis dahil malaki ang maitutulong nito sa mga Pilipinong nahihirapan tuwing nagmamahal ang presyo ng petrolyo at kuryente dahil sa kawalan ng access sa suplay.
 
Sumang-ayon naman ang UAE, sa pangunguna ni ADNOC Chairman Sultan Ahmed Al Jaber, sa panukala.
 
Iginiit nito na kasalukuyan na silang nagpapadala sa Petron ng 40,000 barrels ng langis kada araw at mas mapaparami pa ito kung maitayo ang oil facility.
 
Handa rin aniya ang UAE na ipagpatuloy ang mga pag-uusap at nagpahayag na magpadala ng halimbawang kontratang maaaring mapag-aralan ng pamahalaan ng Pilipinas.
 
Target na simulan ang proyekto sa ikalawang bahagi ng 2027, kapag napagkasunduan na ang eksaktong lokasyon, gastusin, at iba pang detalye.
 
Bukod sa imbakan ng langis, maaari rin itong maging daan para sa mas malawak na pagtutulungan sa iba’t ibang uri ng enerhiya, tulad ng pagpapatayo ng mga pasilidad para sa langis, kuryente, at renewable energy.

About The Author