dzme1530.ph

Dela Rosa, sumagot sa panawagan ni Cong. Acop na huwag magtago sa palda ni VP Sara

Sinagot ni Sen. Ronald Bato dela Rosa ang panawagan sa kanya ni Cong. Romeo Acop na itigil ang pagtatago sa palda ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni dela Rosa na noong nakikipaglaban siya sa mga terorista at mga rebelde kung saan mga lumilipad na bala ang kanyang kinaharap, hindi siya nagtago sa palda ng kanyang nanay.

Kaya tanong ng senador kung bakit naman siya magtatago sa palda ng iba kung puro salita lamang na hindi nakamamatay ang kinakaharap niya ngayon.

Ipinaalala ng senador kay Acop na kapwa sila dumaan sa Philippine Military Academy at kapwa sila naglingkod sa Philippine National Police.

Tanging masasabi aniya niya kay Acop ay “I am alright sir” na linya ng mga PMAer kaugnay sa code of honor ng mga kadete.

Bahagi ng code of honor ay ang PMAer ay hindi nagsisinungaling, hindi nandaraya, hindi nagnanakaw at hindi nangungunsinti ng mga ganitong gawain. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author