![]()
NILINAW ng defense team ni Vice President Sara Duterte na hindi nangangahulugan ng karahasan ang naging pahayag nitong “bloodbath” kaugnay sa impeachment trial laban sa kanya.
Sa press briefing bago ang pag-arangkada ng ikaapat na araw ng impeachment trial, sinabi ni Atty. Michael Poa, spokesperson ng defense team, na ang tinutukoy na “bloodbath” ay para lamang sa sarili niyang dugo at hindi nangangahulugang magiging marahas ang sitwasyon.
Ipinaliwanag ni Poa na ang nais lamang sabihin ng Bise Presidente ay magiging duguan siya dahil siya ang nasasakdal sa impeachment proceedings.
Wala, aniya, itong anumang insinuation.
Samantala, inaasahan ni Poa na mabibigyan din sila ng pagkakataon ngayong araw na ma-cross-examine si NBI Regional Director Jeremy Lotoc.
Ito, aniya, ay upang matapos na nila ang pagtatanong sa isang testigo ngayong araw at maiharap na bukas ang iba pang mga testigo.
