Tiwala ang TRABAHO party-list na mapananatili ang pagbaba ng antas ng krimen sa bansa sa paglikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Kasunod ito ng ulat mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagpapakita ng malaking pagbaba ng crime rate sa Metro Manila sa pagsisimula ng taon, na iniuugnay sa pinaigting na seguridad.
Ayon sa TRABAHO party-list, bagama’t isang positibong pag-unlad ang pagbaba ng krimen, mas matitiyak ang pangmatagalang kaayusan sa lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat at pangmatagalang trabaho.
Ipinunto ni Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng partylist, na ang maayos na hanapbuhay ay nagbibigay ng katatagan at layunin sa buhay ng isang indibidwal, na siyang nakakatulong upang mabawasan ang mga krimeng may kaugnayan sa kahirapan at kawalan ng oportunidad.
Bilang bahagi ng kanilang adbokasiya laban sa kawalan ng trabaho, nakatakdang makipagtulungan ang TRABAHO Partylist sa mga pribadong sektor at ahensya ng gobyerno upang makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng skills training programs at pagtulong sa mga indibidwal, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan, upang magkaroon ng disenteng hanapbuhay.
Bukod dito, isinusulong din ng partido ang pagpapalakas ng ugnayan sa mga lokal at internasyonal na negosyo upang mapalawak ang job openings.
Kasabay nito, mahigpit nilang susuportahan ang mga programa ng gobyerno na naglalayong palakasin ang merkado ng paggawa at pagbutihin ang kakayahan ng mga manggagawa upang matugunan ang pangangailangan ng industriya.
Binigyang-diin din ni Atty. Espiritu ang kanilang layunin na itulak ang mga polisiya na magpapadali sa proseso ng pagkuha ng empleyado, magpapabuti sa kondisyon sa paggawa, at maghihikayat sa mga negosyo na mamuhunan sa lokal na talento.
Naniniwala ang TRABAHO Partylist na sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang suporta, kasanayan, at oportunidad sa mga manggagawa, makakamit ang mas matatag na ekonomiya, mas mababang crime rate, at mas maunlad na bansa.