Bumagsak ng 37.06% ang naitalang mga krimen sa Metro Manila sa ikalawang buwan ng 2025, ayon sa National Capital Region Police Office.
Sinabi ni NCRPO Acting Chief, Brig. Gen. Anthony Aberin, na 343 ang naitalang focus crimes noong nakaraang buwan, mas mababa kumpara sa 545 noong February 2024.
Ang mga itinuturing na focus crimes ay kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, at vehicle at motorcycle theft.
Sa datos mula sa Crime Information, Reporting and Analysis System, bumaba ang murder cases ng 41.94% o sa 18 noong Pebrero mula sa 31, habang bumagsak din sa 25% o sa siyam ang homicide cases mula sa 12 na naitala noong February 2024.