![]()
Hiniling ng International Criminal Court (ICC) prosecutors sa Trial Chamber III na tanggapin ang isa pang set ng pre-recorded testimonies ng mga witness laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang mga naturang testigo ay nagbigay ng pruweba ng umano’y pattern ng mga krimen sa war on drugs ng nakalipas na Duterte administration.
Sa pang-anim na request, binigyang-diin ni Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang na kung tatanggapin ng korte ang pre-recorded testimonies ng apat na witnesses, mababawasan ang direct examination time ng 4 hours mula sa 16 hours.
Sa mga naunang aplikasyon, humirit ang prosekusyon na i-apply ang ICC Rules of Procedure and Evidence Rule 63(3) para sa naturang grupo ng mga testigo.
Ginawa ang paghahain isang araw matapos magsagawa ang Trial Chamber III ng status conference, sa pagpasok ng ICC sa final weeks ng paghahanda para sa trial ni Duterte.
Magsisimula ang trial ng dating pangulo sa kasong crimes against humanity sa Nov. 30, sa Trial Chamber III, na binubuo nina Presiding Judge Joanna Korner at Judges Keebong Paek at Nicolas Guillou.
