![]()
UMARANGKADA na ang pagtalakay ng Senate Committee on Finance sa proposed 2027 national budget na umaabot sa P7.2 trillion.
Nagsasagawa ngayon ng briefing ang Development Budget Coordination Committee o DBCC sa mga senador.
Present sa pagdinig sina Finance Secretary Frederick Go, Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon, Secretary Arsenio Balisacan ng Department of Economy, Planning and Development at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr.
Sinabi ni Senador JV Ejercito, chairman ng Finance Committee, na ipatutupad nila ang back to basic policy sa pagbalangkas ng budget dahil titiyakin nilang tutugon ito sa pangunahing pangangailangan ng bansa tulad ng pagkain, kalusugan, edukasyon, imprastraktura, hanapbuhay at seguridad.
Iginiit ni Ejercito na hindi dapat maging pira-piraso ang ipatutupad na imprastraktura at sa halip ay dapat matiyak na may pangmatagalan at komprehensibong masterplan na magkokonekta sa mga lansangan, railways, seaports at mga komunidad.
Muli ring tiniyak ng senador na sa paghimay nila ng budget ay hindi nila papayagan na maulit ang mga pagsasayang, pagwaldas at pagkorap sa pondo ng bayan.
Idinagdag niyang babantayan at ipagbabawal nila ang anumang last minute insertions sa bicameral conference committee.
Itutuloy din aniya ang livestreaming ng bicam deliberations at pananatilihin ang Senate budget transparency portal.
Ipagpapatuloy din aniya ang anti-epal provision o pagbabawal na ibandera ang pangalan ng mga pulitiko sa mga proyekto ng gobyerno.
