dzme1530.ph

ALAMIN ANG SINTOMAS NG ACUTE GASTROENTERITIS

Loading

Pasintabi sa mga kumakain dahil maselan ang ating ibabalita, pinag-iingat ang publiko laban sa acute gastroenteritis, isang biglaang pamamaga o impeksyon sa tiyan at bituka na karaniwang nagdudulot ng pagsusuka at diarrhea.

Maaaring sanhi ito ng mga virus, bakterya o parasite na nakukuha sa pagkain at tubig na kontaminado, gayundin sa pagkonsumo ng hindi malinis o hindi lutong pagkain.

Kabilang sa mga karaniwang sintomas nito ang diarrhea, pagsusuka, pananakit ng tiyan at katawan gayundin ang lagnat.

Karaniwang gumagaling ang mga pasyente sa loob ng ilang araw, subalit maaaring maging mapanganib ang sakit kapag nagdulot ito ng dehydration o matinding kawalan ng tubig sa katawan.

Kabilang sa mga palatandaan ng dehydration ang tuyong bibig, matinding pagkauhaw, kaunting pag-ihi, pagkahilo, panghihina at lubog na mga mata.

Hindi rin dapat ipagpaliban ang pagpapatingin sa doktor kung may dugo sa dumi, matinding pananakit ng tiyan, mataas na lagnat, patuloy na pagsusuka o palatandaan ng matinding dehydration.

Paalala ng mga eksperto, huwag balewalain ang mga nabanggit na sintomas, lalo na sa mga bata at matatanda.

Mahalagang uminom ng oral rehydration solution o ORS upang mapalitan ang nawawalang tubig at electrolytes sa katawan.

About The Author